The Boastful Turtle

Find out more
about the contributors

The Boastful Turtle

A Filipino Story by Nick Twyford


Ang Hambog na Pagong

 

Ang mga alamat at kuwentong engkanto ay hindi laging may magandang wakas, nguni’t tinatanaw natin ang mga ito sa pamamagitan ng maliit na bintana kung saan walang makakapasok o makakalabas.  At laging mayroong mabuting aral na natututunan.  Ang kuwentong engkanto katulad ng tunay na buhay, ay maaaring maging mabuti o hindi, depende kung kailan natin piliing tumigil magbasa.  Kaya, mahalaga na tandaan natin ito.

May mga hayop na masuwerte kaysa sa iba.  Ang tamaraw ay malakas, ang usang Calamian ay may mga sungay panglaban sa mga mandaragit at ang buwaya ng lati ng Agusan ay nakatago ng pailalim.  Nguni’t, maraming nagsasabi na ang ibon ang pinakasuwerte sa lahat ng nilikha.  Yun din ang paniwala ni Pagong.  Naiiba ang kanyang paniwala sa kapwa niyang pagong.  Kung saan karamihan ng mga pagong ay nagpapasalamat na mayroon silang aleta kaya sila nakakalangoy sa dagat, dinaing nitong pagong na hindi naman ito pakpak.  Kung saan alam ng karamihan ng mga pagong na ang kanilang matigas na balat ay proteksyon laban sa mga mandaragit, idinaing nitong pagong na pampabigat lamang ito sa kanyang likod at dahil dito ay hindi siya magiging magaan upang makalipad.  Ang paglipad ang kanyang bukang-bibig, kaya’t napaiyak sa pagkabagot ang ibang mga hayop.  Kapag hindi paglipad ang kanyang sinasabi, pinaguusapan niya ang tungkol sa kanyang sarili.  Hindi mabuting katipunan ang pagong na ito.

“Dapat lang na maging masaya ka sa anumang mayroon ka,” anya ng isang nakatatandang pagong pagkatapos niyang magpalakat tungkol sa paglipad.  Ang matandang pagong ay matalinong hayop na marami nang peklat sa kanyang balat at guhit sa kanyang mukha.  Ayon sa mga batang pagong, natagpuan na ng matandang pagong si Bathala, ang tagapangalaga ng mundo.  Nangyari ito noong mahabang panahong nakalipas, nang nilikha ni Bathala ang buhay sa mundo.  Hindi ito pinagtibay or tinanggi ng matandang pagong, subalit binalewala ito ng batang pagong.  Paglipad lamang ang mahalaga sa kanya.

Dahil sa pagkahumaling ng pagong sa paglipad, kaunti lamang ang kanyang kaibigan.  Wala siyang pakialam sa ibang mga pagong na masayang lumalangoy at kumakain.  At masama ang loob niya sa lahat ng ibon sapagkat kaya nilang lumipad.  Nguni’t, alam niya na kailangan niya ang tulong ng ibon upang siya ay makalipad.  Kung hindi, mangangailangan siya ng tulong sa mga halimaw ng Pilipinas at dahil matalino siya, hindi niya ito gagawin.  Ang mga tanga lamang na nilalang na humihingi ng biyaya sa mga Aswang at Wakwak ay ang mga tao at hindi na sila muling nakikita.

Sa halip, pinasya ng pagong na tanungin ang gansa.  Dapat ninyong alalahanin na noong mahabang panahong nakalipas, nagtatanong ang mga hayop sa isa’t-isa.  Alam ng pagong na ang mga gansa ay mga mabubusisi na ibon.  At hindi sila matalino, kaya naisip ng pagong na hindi siya magkakaroon ng problema sa paghingi niya ng tulong.

Ang gansa na nilapitan ng pagong ay papunta para tagpuin ang kanyang kawan at hindi nito nilasap turuang lumipad ang isang pagong – lalo na itong pagong na ito.  Parang napakahirap na gawain ito.

“Ang aking kawan ay mangingibang lupain para sa malamig na panahon at marami akong gawain,” anya ng gansa.  May katotohanan ito, nguni’t gusto din iwasan ng gansa na saktan ang kalooban ng pagong.  Pagkatapos ng lahat, alam ng karamihan na hindi kaya lumipad ng mga pagong kahit gaano pa sila kasugid.

“Wala akong pakialam kahit gaano ka abala,” taghoy ng makasariling pagong.   “Nais kong lumipad at nais kong lumipad ngayon na!”

Maliwanag sa gansa na hindi tatanggapin ng mapilit na pagong ang kanyang pagtanggi.

“Tatanungin ko muna ang aking kawan,” anya niya, kahit alam niya ang kanilang isasagot.  Lumipad na sana siya upang iwan ang pagong, nguni’t maaaring mayroon siyang matabang puso o kaya’t maliit na utak.

Ang tugon ng kawan ay kung ano ang kanyang inaasahan, at napuno ang himpapawid ng malakas na katawatawang busina ng mga gansa sa nakakatawang hiling ng pagong.  Nang huminahon ang tawanan, isang gansa na mas maaalahanin kaysa sa iba ang nagmungkahi ng isang hindi kinaugaliang ideya.

Anya niya, “Kung dalawa sa atin ay hahawak ng isang matibay na patpat, makakakapit ang pagong habang tayo’y lumilipad. Matibay ang kanyang tuka at siguradong kaya niyang humawak sa patpat habang lumilipad.  Kailangan niyang mag-ingat.  Kapag bumitaw siya, kahit sa isang iglap, mahuhulog siya at masyado siyang mabigat upang ating masagip.”

Hindi nagustuhan ng gansa ang kuro-kurong ito at inasam niya na ipagpapaliban ng pagong ang tangkang paglipad dahil sa hinalang paghulog sa lupa.  Subalit, ang pagong ay makasarili at isang nilalang na may solong pag-iisip, kaya’t masugid niyang tinuloy ang balak.

“Tandaan lamang na kumpait ng mahigpit at huwag bibitaw,” paalala ng gansa,” kung hindi, mahuhulog ka at hindi ka naming masasagip.” “ Mukhang masyadong mabigat ang iyong talupan.”

“Oo, Oo, syempre,” tugon ng pagong, naguluhan ang pag-iisip dahil sa kasabikan.  Naging abala siya sa paggunita sa paglipad kasama ang kawan ng gansa, kaya’t hindi niya pinakinggan ang anumang babala.  Naging abala din siya sa panukalang maiinggit ang kanyang mga kaibigan kapag nakita siyang lumilipad sa kalangitan.  Kaya’t habang ikinapit na mahigpit ang kanyang panga sa patpat, lumipad ang dalawang gansa na may dagundong na tunog at pagaspas ng kanilang malakas na pakpak.  Sapagkat kahit kailanman ay di makalipad, nabighani ang pagong sa napakaraming bilang ng mga tanawin sa ibaba habang pumailanlang ang mga gansa sa malinaw na asul na kalangitan:  ang magandang tabing ng gubat, ang pumupulupot na ilog; lahat na natanaw ng pagong ang nagsilbing paalala na kakaunti lamang ang nasaksihan niya sa mundo.  Subalit, sa halip na maging mapagpakumbaba sa mga kagulat-gulat na tanawin sa kanyang paligid, sa halip na magalak sa kanyang karanasan, ninais ng makasariling pagong na sumigaw sa mga hayop sa ibaba.  Ninais niyang ipagmalaki at ipagmayabang ang lahat ng kanyang nakikita.  At higit sa lahat, ninais niyang sigawan ang lahat ng mga pagong na sinabihan siyang kailanman ay hindi siya makakalipad.

At doon niya binuksan ang kanyang tuka…….

Naalala niyo ba noong sinabi ko na ang mga alamat at kuwentong engkanto ay hindi laging may magandang wakas?  Ngayon, nakikita ninyo kung bakit.  Natapos ang ating kuwento sa pagkahulog ng pagong.  Nguni’t hindi natin nakita kung siya ay lumapag.  Nahulog ba siya sa lupa?  Dapat lamang.   Ganito gumana ang bawat bagay.  At kung nahulog nga siya….may aral na makukuha sa ating kuwento.  Kaya ba ninyong hulaan anong aral ito?

Datapwa’t ito ay isang alamat at kuwentong engkanto — isang kakaibang lugar kung saan kahit anong bagay ay maaari, kung saan may mga nagsasalitang hayop na gumagawa ng mga bagay na hindi dapat.  Kaya, para sa kapakinabangan ng kuwentong ito, maaaring hindi nahulog ang pagong sa lupa.  At dahil dito, kung nahulog ang pagong ng kawalang-hanggan, hindi ba ibig sabihin na lumilipad nga siya…?